This will be the piece that will be shown for the presentation in Filipino. It is entitled "DYIP", 2006 3rd Place Gawad Palanca Awardee, which was written by Christian Tordecillas.



Dyip
(Isang Dulang May Isang Yugto)


MGA PANGUNAHING TAUHAN:
Matrona: 65, madaldal, masungit at prangkang biyuda. Adik sa BINGO.
Nagmumurang kamatis.
Drayber: 33, Pitong taon nang drayber. May asawa at walong anak.
Dexter: 16, makulit. Estudyante sa hayskul. Aktibista.
Clara: 17, estudyanteng ayaw sa mga welga. Seryoso sa pag-aaral. Kaklase ni Dexter.

IBA PANG MGA TAUHAN:
Pasahero 1: 15, babaeng estudyante.
Mga Nagwewelga: Mga mamamayan na may mga hawak na plakards. Nagwewelga sila dahil sa maling sistema ng gobyerno at sa paglalayong mapatalsik ang Pangulo sa pwesto.
Isang babae na naka-toga: 21, babae na kaka-graduate lang at mahilig sumama sa mga
welga.
Lalakeng Traffic Enforcer: 30, lalake na malaki ang tiyan.
Welgista 1 at 2: Mga mamamayan na kasama sa mga nagwewelga.
Pasahero 2: 25, lalakeng tambay sa kanto.
Mga Pulis na may mga batuta at kalasag: Mga nakadamit-pulis at mga handa sa anumang pagsalakay ng mga welgista.


TAGPUAN:
Sa loob ng isang pampasaherong dyip sa Taft Avenue na biyaheng SM City Hall. Sa
ilalim ng daanan ng LRT, sa labasan ng Araullo High School.

PANAHON:
Sa kasalukuyang panahon. Linggo. Tanghaling tapat kaya nakakatamad magbiyahe.

(Magsisimula ang isang mabagal na tugtog ng piyano sa madilim na entablado. Isasabay dito ang pagbigkas ng isang tula. Ito ay dapat bigkasin nang mabagal na may tamang puntong Español.)

BOSES:
Adiós, Patria adorada, región del sol querida,
Perla del mar de oriente, nuestro perdido Edén!
A darte voy alegre la triste mustia vida,
Y fuera más brillante, más fresca, más florida,
También por ti la diera, la diera por tu bien.

(Dahan-dahang bubukas ang malabong ilaw. Makikita sa gitna ng entablado ang pampasaherong dyip na sinadyang hinating pahaba upang makita ng mga manonood ang mga nagsisipagganap sa loob nito. Nakasakay sa loob ng dyip ang drayber, matrona, at pasahero 1. Nakaupo ang matrona sa dulo malapit sa labasan ng sasakyan, samantalang ang pasahero 1 naman ay nasa gitnang bahagi ng upuan, at ang drayber naman sa kabilang dulo. May isang paaralan na natatakpan ng matataas na pader sa gawing likod ng dyip. Ito ang magsisilbing bakdrap. Mayroon ding isang No Loading Unloading na karatulang nakatayo sa tabi ng dyip. May tarangkahan naman sa gawing kanan ng pader na magsisilbing daanan ng mga mag-aaral papasok at palabas ng paaralan. Mananatiling hindi gagalaw ang mga tauhan hangga't hindi pa natatapos ang tula.)

En campos de batalla, luchando con delirio,
Otros te Bambang sin ko Dimasalang, s'an ka day?;
Dangwa con sol Avenida,
Sta. Cruz otros Carriedo Tayuman Dapitan o Frisco,

(Maririnig ang mahinang ingay ng isang tipikal na kalsada. Ito ay ang pinaghalong mga ingay ng bombero, dyip, kotse, trak, LRT, mga tao at iba pa. Isasabay ito sa tugtog ng piyano hanggang sa hindi na ito marinig sa lakas ng ingay. Kinakailangang sumisigaw na ang boses sa bandang iyon upang marinig pa rin siya sa kabila ng malalakas na ingay.)

El sitio nada Cubao, ciprés Blumentrit Lawton, o Kalaw,
Quiapo o sa Recto, Monumento O hehento na ba pre?,
Lo mismo es si lo ROTONDA
ESPAÑA
DIVISORIA
LUNETA
ARANETA
MORAYTA
SM CITY HALL
PASOK! MaLOwag! MALOWAG!

(Titigil ang malakas na ingay at ang tugtog ng piyano. Lalakas ang ilaw sa entablado. Maririnig ang pagtakbo ng dyip. Ang totoo, hindi naman talaga tumatakbo ang dyip. Mananatili pa rin itong nasa gitna ng entablado sa buong pagtatanghal. Gagalaw lamang ang mga tauhan at aarte na animo'y totoo na tumatakbo ang sasakyan.)

Matrona: (dudukot ng bente pesos sa kanyang pulang bag, lilingun-lingon sa paligid at iaabot ang bayad sa katabing pasahero) Miss, bayad nga.

(Hindi siya papansinin ng pasahero. Maiinis ang matrona. Kakalabitin niya ang katabing pasahero.)

Matrona: (sisigaw) MISS, BAYAD!

(Lilingon ang pasahero sa matrona pagkatapos ay tititigan lang nito ang iniaabot sa kanyang bente pesos. Uusad ang pasahero nang bahagya sa unahan palayo sa matrona. Lilingon siya sa tabi ng kalsada upang ipakita sa matrona na bababa na siya.)

Pasahero 1: Ah  para!

(Biglang magpi-preno ang drayber. Medyo aabante ng kaunti paharap ang katawan ng mga pasahero. Bababa ang pasahero 1. Yuyuko ito palabas ng dyip. Matutulala ang matrona ng ilang sandali habang nakatingin sa hawak na perang 'di tinanggap ng pababang pasahero. Ibabalik niya ang salapi sa kanyang pulang bag habang sinusundan ng masamang tingin ang pasaherong pababa. Pagtagal ay kukuha ito ng pamaypay sa bag at haharap sa mga manonood.)

Matrona: (sa mga manonood) Aba! Aba! Aba! (magpapaypay ng mabilis) Ganito nga ba talaga sa Pilipinas? Napaka-init na nga, ang tatamad pa ng mga tao! Mabuti pa doon sa Binggohan sa SM, bukod sa naka-aircon na ako, ang damiiiii pa talagang tumutulong sa akin at (patlang) ang ga-gwapoooooo pa ng mga nagbabantay! (hahalakhak) BINGO! (aarte na parang totoong nasa Binggohan siya) Papa joke lang. (medyo pilya) Uy, pa-help naman dito o! Anong numero nga 'yung huling lumabas gwapo? Baka puwede mo naman ako tulungan magmarka sa card pogi? Baka kasi Bingo na ako handsome! (hahalakhak at titingin sa mga manonood) At hayun! Tutulungan na ako, pagkakaguluhan pa ako ng mga macho! (hahalakhak)

(magbabago ng emosyon; sisimangot ) Naku! Hindi katulad nong babaeng 'yun kanina. Nakakasira ng araw! Nakakainis! Nakakabwisit! Hindi ata siya tinuturuan ng mga magulang niya kung (patlang) kung paano magpasuyo ng bayad, kaya hayan! Lumalaking tamad! Lumalaking batugan! Eh nagpapasuyo lang ng bayad ayaw?! Bayad lang naman 'yun a!

(Mananatiling nakatigil ang dyip habang tumatawag ang drayber ng mga pasahero. Papasok ang pasahero 1 na bumaba kanina sa dyip sa tarangkahan ng paaralan. Mapapansin iyon ng matrona.)

Matrona: Aba! Ang taray! Edukada ang tamad na bruha! Nag-aaral pala siya! Napakatalinong bata. Napakawa-is! Para hindi lang ma-istorbo kanina, hayun! Nakaisip na pumara agad. (haharap sa mga manonood) Hay buhay! Aanhin mo ang talino kung isa ka namang hamak na tamad?! In Inglis, wat es lezy ep yor brin es nat emty? (mapapaisip) Tama ba? Ah basta! Tamad. Eh gaano ba kahirap isuyo sa drayber ang pamasahe ko? Eh simpleng ganito lang naman 'yun o  o  o! (iaarte ang pag-aabot ng bayad)
Drayber: (habang tumatawag ng pasahero; titingin sa salamin) PUTANG INA! Hoy! Tama na 'yang daldal mo tanda! Kaya siguro walang sumasakay sa akin eh --- Ang ingay ingay mo na, NAPAKAPANGHI pa ng bunganga mo! Puro ka dakdak! Eh kung inabot mo na sa akin 'yang pamasahe mo na 'yan kanina, eh 'di natapos na 'yang drama mo!
Matrona: Hoy! Hoy! Hoy! Hoy! Hoy! Wala kang pakialam kahit magdadaldal ako doon, dito o sa kahit saang lupalop man ng Pilipinas! Dis is a pree kantry kaya wala kang karapatan upang pagbawalan ako sa kahit anumang nais kong gawin! At mamang drayber, huwag mo nga akong sisihin kung walang sumasakay sa BULOK na dyip mong ito! Aba! Ako na mismo, sampo ng iba pang kagaya kong mga magaganda at seksing pasahero ay nagsasabing: ‘ang lahat ng mga dyip dito sa Pilipinas lalong lalo na dito sa Maynila ay mababaho, maiinit, at naghihingalo! Kalawangin na, luluray-luray pa ang makina! NAGPAPAPANGIT NG KALSADA! Gaya ng dyip mo na ito! LUMANG-LUMA NA! Ginamit pa ata ito noong panahon pa ni kopong-kopong! O 'di kaya'y – naku!; noong panahon pa ng digmaan! Tingnan niyo, sa patagilid na upuan pa lang, para na akong isang sundalong isasabak sa giyera!

(Patuloy pa rin sa pagsasalita ang matrona. Magsisimulang magpatugtog ang drayber ng radyo. Maririnig ang isang napakalakas na rock music na tunog lata. Tuluyang hindi na maririnig ang matrona.)

Matrona: (magsasalita habang maingay ang radyo) Kaya mama' ang dapat na sisihin mo ay ang sarili mo! Kung hindi n'yo pa kasi pinaganda ang sasakyang ito --- (mapapansin ang malakas na tugtog ng radyo) HOY! ANO BA! PATAYIN MO NGA ANG RADYONG 'YAN! --- HOY MAMA'! --- HOY! (huhubarin ang suot na sandals at ipapalo sa bubong ng dyip) TAMA NA! (titili) AAAAAAAH!

(Maririnig siya ng drayber.)

Drayber: (papatayin ang radyo) O ano? Tapos ka na ba?
Matrona: Alam mo mama', bastos ka! (isusuot muli ang sandals) Nakita mo na ngang nagsasalita ang tao lalakasan mo ang radyo na 'yan! Nakakainsulto ka ah!
Drayber: (tatawa) Dis is a pree kantry 'di ba?
Matrona: Arrgh!
Drayber: Pasalamat ka pa nga at may music dito.
Matrona: Music? Eh paano ang mga pasahero mo? Paano sila papara o mag-aabot ng pamasahe ha? Sisigaw na parang ang drayber ay nasa kabilang bundok?! Ang tatanga n'yo talagang mga drayber ano?
Drayber: (tatawa) Problema ba 'yun? Eh di sumipol ka!
Matrona: Sumipol? Anong akala mo sa sarili mo aso?
Drayber: Tanda. Alam mo, ang music na 'yan ay NAGPAPASARAP sa biyahe mo!
Matrona: Ano? Nagpapasarap? Ano 'to pagkain? At kung pagkain nga 'tong dyip na 'to, ayoko ngang kumain ng kalawangin, luluray-luray at lumang lumang dyip na gaya nito! YUCK! Mahiya ka nga sa balat mo! Walang epekto sa akin ang musika mong tunog lata!
Drayber: Tunog lata ha? (tatawa) Alam mo tanda, sa dami ng satsat mo – alam kong kanina ka pa nabusog sa mga pinagsasabi mo!
Matrona: Ha? Anong sinabi mo?
Drayber: Ang sabi ko, (tatawa) Kanina ka pa nabusog sa mga pinagsasabi mo!
Matrona: Ano? Busog? Ako ba'y pinagloloko mo?! Iniiba mo ata ang usapan ah!
Drayber: NABUSOG KA NA! Kasi kinain mo ang lahat ng mga sinabi mo! Puro ka reklamo, kesyo mabaho, mainit, kalawangin, luluray-luray ang makina --- eh asan ka ba ngayon tanda?! Nandyan ka pa rin at nakasakay at nagpapakasarap sa dyip ko! (tatawa)
Matrona: Aba pilosopong matanda 'to ah! HOY! Napilitan lang ako sumakay sa PANGIT na dyip na 'to! Napakainit kaya para lang maglakad sa napakalayong estasyon ng LRT at umakyat sa kalangitan para makabili ng isang napakamahal na card na isang gasgas lang sira na! Hindi mo pa marefund! --- mas mabuti pa dito SAIS lang!
Drayber: SAIS?! Sais pisos!? (tatawa) Pa-paanong naging sais ang pamasahe mo? Ano ka estudyante?
Matrona: (hahalakhak) Ikaw ang nagsabi niyan ha! Hay! Hindi ko talaga inaasahan na bery obyus pa rin ang kabataan ko. Emadyen ha? Napagkakamalan pa akong estudyante ng isang napakatanda at antipatikong drayber sa Taft Avenue?! (tatawa)
Drayber: Puta, HOY! Matandang hukluban! Ang kapal naman ng mukha mo! Tumingin ka nga sa salamin! Tsaka kung nag-aaral ka man, saan? Sa Binggohan?
Matrona: HOY! Don't you hoy hoy me ha!? Ako lang ang may karapatan na mag-HOY sa'yo dahil pasahero mo ako! And por yor empormesyon. Hindi ako puta at hindi 'tanda' ang pangalan ko! May neym es Meses Gloria Consolacion Carmilita Josepha Llnes Escoda Biyuda de la Paz Santisima Trinidad! Bata pa ako! I am still twenty (patlang) at heart! (tatawa) batambata, makinis, at syempre seksing seksing opisyal S. C. ng Pilipinas! Narinig mo 'yun? S. C.!
Drayber: S. C. ? Anong putang inang S. C. na 'yan? (tatawa) Sosyalerang Curipot!?
Matrona: TANGA! Ano bang pinagsasabi mo? Señor Citizen! Narinig mo? SEÑOR
CITIZZZEN, kaya may diskawnt ako! MAY DISKAWNT AKO!
Drayber: Ha?! WALANG DISKAWNT DISKAWNT! Linggo ngayon kaya --- ah walang estudyante estudyante, walang señor señor citizen, walang disabled disabled! Kaya hindi sais ang pamasahe mo! SEBEN PEPTY!
Matrona: Aba! Anong klaseng pag-iisip 'yun mama'?! Bakit naman walang señor citizen kung Linggo? EH BAKIT? KUNG LINGGO BA BUMABATA AKO?! Alam mo mama’ kahit anumang araw, Linggo man o hindi, mananatili pa rin na señor citizen ako!
Drayber: (tatawa) Alam mo tanda, wala talagang señor citizen kapag Linggo!
Matrona: Ganun ha? Eh bakit ikaw nandyan at nagda-drayb pa rin?
Drayber: Syempre para magtrabaho!
Matrona: AH HINDI PUPWEDE 'YAN! BAWAL!
Drayber: Ano? At kelan naging bawal ang mag-drayb?
Matrona: 'Di ba sabi mo walang señor citizen 'pag Linggo?! EH 'DI KUNG LINGGO WALA RING DRAYBER!
Drayber: (tatawa) Pucha! Sa'n mo naman napulot na kung Linggo walang drayber?!
Matrona: Sa'n mo naman napulot na kung Linggo walang señor citizen?!
Drayber: KOMON SENS na 'yan! Ganun talaga!
Matrona: Komon sens ha? Ang sabihin mo, manloloko talaga lahat kayong mga drayber! Hindi n'yo sinusunod ang nakasabit n'yo diyan na karatula! Look! (babasahin ang tariffa sa gawing malayo) Señor Citizzzen. SAIS! Sais pesos!
Drayber: Ano bang karatula ang pinagsasabi mo tanda? (tatawa) TARIPA!
Matrona: Sabi ko nga taripahh!
Drayber: AH! PUTANG INA! LINGGO NGAYON! WALANG SEÑOR SEÑOR CITIZEN! Malulugi ako sa gusto mong mangyari!
Matrona: Malulugi? Tingnan natin kung papaano ka mas lalo pang malulugi kung isusumbong kita sa LTO! Ngayon din ay pupunta ako sa LTO! (magsisimulang bababa sa dyip)
Drayber: (tatawa) Linggo ngayon, sarado ang LTO!
Matrona: Ha? (mapapaisip) Sabi ko nga sarado. Eh 'di BUKAS! (uupo uli sa dating kinauupuan) Oo. Bukas na bukas din isusumbong kita!
Drayber: EH 'DI MAGSUMBONG KA!
Matrona: Isusumbong talaga kita! Hanggang mawala ka nang tuluyan sa kalsada! Kukunin nila ang lisensiya mo at lahat lahat na! Bukas, pupunta ako doon sa LTO at ---
Drayber: --- TAMA NA ANG DAKDAK! O siya-siya-siya! Sais na kung sais! Pucha naman o. Kunting barya lang pinagdadamot pa! Akin na!
Matrona: Ayan, kung ganyan ka rin lang ng ganyan ay magkakasundo tayo. (kukunin ang bente sa pulang bag at i-aabot sa drayber subalit napakalayo nito) O eto ang bente!
Drayber: O ano ba! Lumapit ka dito!
Matrona: O 'di ba ang layo? Kasalanan 'yan ng pasahero mong bumaba kanina! (ibabalik ang bente sa bag) Kung sinuyo niya ang pamasahe ko kanina pa eh 'di wala na tayong problema! Ang tatamad kasi ng mga tao ngayon! Mga batugan! Mga walang kwenta! Mga tamad!
Drayber: Eh ikaw nga dyan ang ayaw lumapit dito eh! Ang sabihin mo ikaw ang TAMAD!
Matrona: No-no-no-no-no! Hindi ako tamad. In the peers plees, HOY! Por yor impormesyon nagbabayad ako ng tax, hindi ako nagkakalat sa kalye, I am palowing the low, bumoboto, kaya hindi ako tamad no! Naliligo ako araw-araw, gumigising ng maaga, nagto-toothbrush, naglalampaso ng pinggan, naghuhugas ng sahig (patlang) ay! Naglalampaso ng sahig, naghuhugas ng pinggan pala, naglalaba, namamalantsa, LAHAT GINAGAWA KO!
Drayber: Kahit ang pagiging tamad?
Matrona: BINGO! OO! (patlang) Ah hindi pala. Hindi naman lahat ginagawa ko. (tatawa)
Drayber: Bahala ka sa buhay mo. Dalhin mo na nga dito bayad mo. Konting sulong lang naman a!
Matrona: Mamaya na nga kapag may ibigay si Lord na uupo sa unahan. ‘Di pa naman tayo aalis hangga't hindi pa ito puno! Kulit!
Drayber: (sa sarili) Tamad talaga.
Matrona: Ang sa akin lang talaga bosing, NOTHING! (patlang) Papaano ko kaya sasabihin 'to? (mag-iisip) Aha! BINGO! Extinct. Extinct na nga talaga ngayon ang mga helpol citizzens op ar kantry! Minsan pa nga nagrereklamo pa sila at nakasimangot pa sa pagpasuyo lang ng pamasahe! Ihahatid lang naman sa drayber ang pamasahe ko; pamasahe lang 'yun ha? Tinatamad na sila! Hay! Ganito na nga ba talaga ang bansa natin? Wala nang kapag-a-pag-asa! POOR Pilipins! Kaawa- awa! Ang daming mga Juan Tamad!
Drayber: (tatawa) O, ilan na bang mga Juan Tamad ang nakita mo?
Matrona: Ha? Ang dami na kaya! Kasama siguro sa mga Juan Tamad ang mga paparating na 'yan o!

(Magkakaroon ng saglit na masayang musika. Lalabas sina Clara at Dexter mula sa tarangkahan ng paaralan. Papasok sila sa sasakyan. Matutuwa ang matrona. Susundan niya ng tingin ang mga paparating. Mauunang papasok si Dexter sa dyip. Yuyuko ang dalawa. Makikita nila ang matrona na nakangiti. Hindi pa sila nakakaupo ay magsasalita si Dexter.)

Dexter: Teka, bibili muna ako ng mani!

(Bababa si Dexter sa dyip. Magbabanggaan ang dalawa. Medyo mauuntog si Clara sa bubong ng sasakyan sabay sigaw ng aray. Masasagi at maaapakan ni Dexter ang paa ng matrona, sabay sabi ng ‘sorry’ sa matanda.)

Clara: (uupo) Bilisan mo Dexter! Baka aalis na 'tong jeep!

(Uupo si Clara sa gawing unahan ng matrona. Tititigan ni Clara ang katabi sabay pakita ng isang pekeng ngiti sa matanda. Dudungaw siya sa bintana upang tingnan ang kasama. Sasakay uli si Dexter. Uupo siya sa unahan ni Clara. Ngingiti ang matrona.)

Clara: Magkano 'yan Dexter?
Dexter: Magkano? Bakit binibenta ko ba ‘to?
Clara: Ang sabi ko, magkano ang bili mo niyang mani na ‘yan?
Dexter: Limang piso. Bakit gusto mo?
Clara: ANO? Limang piso? Sayang! Piso na lang pamasahe ko na sana!
Dexter: Hay naku Clara, umiiral na naman ang pagkakuripot mo. Nagbabadya ka na naman ata na magpalibre ah.
Clara: (dudukot ng barya) O eto na, ako na magbabayad.
Dexter: (dudukot rin ng barya) Uy ‘di ka naman mabiro. O eto na ako na ang magbabayad. Nakakahiya naman sa’yo.
Clara: (pipigilan si Dexter) Hindi ako na. Ako na. Ok na.
Dexter: (pipigilan si Clara) Ah, ako na Clara. Ako na. Itabi mo na ang pera mo na ‘yan.
Clara: (pipigilan uli si Dexter) Hindi. Ako na nga. Ako na talaga!

(Hahayaan ni Dexter si Clara na magbayad. Matitigilan si Clara. Hihintayin niya na pigilan siyang muli ni Dexter. Ilalagay muli ni Dexter ang kanyang salapi sa kanyang bulsa.)

Clara: ANO NA? Sino nga ba ang magbabayad?
Dexter: (magtataka) Ha? O, ‘di ba ang sabi mo ikaw na?
Clara: Ako? Ha? Eh, sige ikaw na lang Dexter.
Dexter: Anong ako? Sige na Clara, ikaw na kasi, ikaw na. Ok lang sa akin kung ikaw magbayad.
Clara: Hindi. Ikaw na. (itatago ang barya sa bulsa)
Dexter: Clara? Ikaw na ‘di ba? Ok lang sa akin.
Clara: ARRGH! Teka teka teka! Ang mabuti pa, kanya kanya na lang tayo ng bayad kapag umalis na ang jeep ok?
Dexter: (tatawa) Ang sabihin mo, gusto mo lang magpalibre kanina!
Clara: Hoy, hindi no. Gusto ko lang maging practical ngayong sa panahon ng krisis!
Dexter: At may krisis krisis ka pang nalalaman na kahit isang pahina ng diyaryo ay wala ka pang nababasa! (tatawa) Clara, you know, in order for you to conclude that we are really under crisis you should know all the supporting details.
Matrona: Aba! Dollar spokening!
Clara: At papaano ko naman malalaman ang mga supporting details na ‘yan aber?
Dexter: Simple.
Clara: Simple ano? Simple carabao?
Dexter: Simple. JOIN THE RALLY!
Clara: Join the rally? Yuck! Ayoko ngang mag-aksaya ng laway at magsisisigaw sa kalsada! Tapos makikisalo ako sa pagkain along with those people na halos ilang taon nang hindi naliligo?
Dexter: Pero ‘yun ang paraan upang mamulat ka sa katotohanan!
Clara: Alam mo Dexter, matagal na akong mulat sa katotohanang, lahat ng mga politiko ng bansa ay mga kurakot, maraming mahihirap, at maraming mga nagsasayang ng laway sa pagwewelga!
Dexter: Eh ang mga issue sa eskwelahan, alam mo ba?
Clara: Anong issue? Na may nakapasok na kaklase natin sa starstruck?
Dexter: HINDI ‘YUN! ‘Yung issue tungkol sa pagtaas ng matrikula!
Clara: Ano ba tungkol ‘dun?
Dexter: Kita mo lang? Inosente ka nga talaga sa katotohanan! Hindi mo ba alam na talamak na ang krisis sa ating paaralan? Habang patuloy ka sa panonood ng starstruck na ‘yan sa bahay mo hindi mo namamalayan na ginagawa tayong mga tanga ng administrayon! Hina-harass nila tayo! Nilulugmok pa nila tayo lalo sa KRISIS! Bakit? Dahil lagi na lang kontribusyon-kontribusyon, tapos walang katapusan na bayad dito, bayad doon! Kesyo student fee, library fee, laboratory fee, insurance fee, miscellaneous fee, lahat na ata ng mga ka-fee-feehan meron tayo, kabayo fee, carabao fee, baboy fee, lahat ng mga fee na 'yan compulsory! Hayop! (itatapon ang biniling mani sa labas ng dyip)
Clara: Kaya bukas, paparada na naman kayo sa kalye?
Dexter: Ano ka ba Clara, estatwa? Hindi ka ba nagigising?
Clara: Matagal na akong gising Dexter pero inaantok pa rin sa mga pinagdadakdak mong kawalang-hiyaan sa paaralan.
Dexter: Killjoy ka talaga. Tapos magrereklamo ka sa sarili mo na ang taas ng tuition? Clara, napakahirap kaya magwelga sa sariling multo!
Clara: At ginawa ba naman akong multo? Ayoko nga magsayang ng laway at rumampa sa Mendiola upang magsisigaw hanggang mapatid ang aking lalamunan gayong wala namang gustong makinig! Tingnan mo, taun-taon kayong nagpapawis sa kalsada pero ano na ba ang nangyari? Wala? Napakarami pa ring mga pulubi sa kalsada! Napakarami pa rin mga mas mahirap pa sa daga!
Dexter: At napakarami ring nagbebenta ng laman?
Clara: Magbenta ng laman? Sobra ka naman! Bakit mo naman naisip 'yun Dexter?
Dexter: Hindi mo ba alam na ang ibang kaklase natin, sa sobrang kahirapan, ganun ang ginagawang sideline---

(Tatakpan ni Clara ang bibig ni Dexter at titingin silang pareho sa matrona na halatang nakikinig sa kanilang usapan.)

Clara: Ang bibig mo Dexter!
Dexter: (sisigaw ng napakalakas) EH TOTOO NAMAN 'YUN AH!

(Maririnig ang napakalakas na ingay ng bombero. Maglalaro ang ilaw ng ilang segundo at babalik sa dati.)

Clara: Ano ‘yun Dexter?
Dexter: (ngingiti) Ayan na!
Clara: Anong ‘ayan na’? May sunog ba?
Dexter: Hindi.
Clara: Ano nga? May na-ospital?
Dexter: Hindi! Narinig mo ngang sirena ‘yun ng bombero ginawa mong ambulansiya!
Clara: Eh ano nga?!
Dexter: Ano ka ba Clara? (sisigaw) MAY WELGA!
Clara: (tatawa) Langka! Huwag ka namang ganyan Dexter!
Dexter: Sus! Hindi naman sa ganun. Madalas nga 'yang ingay na 'yan habang nagkaklase tayo 'di ba? Habang nagdadakdak si sir ng tungkol sa mga hayop na kontribusyon sa PTCA, pagpapagawa ng banyo, sahig, bubong, at pati pa pagpapa-aircon ng faculty room natin, --- ay may magseserena sa labas at bigla sisigaw si sir na: 'MAY WELGA!” Tapos sisigaw naman tayo ng: “YEHEY.” 'Yun ang sigaw natin 'di ba? Kasi paparada na naman tayo sa kalye --- kaya walang pasok!
Clara: Hay naku. Umiiral na naman ang pagkarebelde mo.
Dexter: Rebelde ka diyan. Hindi ka lang ata nakikinig kay sir dahil lagi ka lang natutulog kung nagkakaklase siya! Makinig ka. Hindi ba kapag may welga, maraming tao. Kapag maraming tao, maingay. Kapag maingay, maaaring magkagulo. Kapag magkakagulo maaaring may magkasakitan. Diyan na papasok ang bombero.
Clara: Teka teka teka. Ano naman gagawin ng mga bombero eh wala namang sunog?
Dexter: Edi magdidilig sa mga nag-iinit! Paliliguan sila ng mga bombero!
Clara: Ha? Bakit naman sila ganoon? Nambabasa sa mga walang kalaban-laban?
Dexter: PERMIT! 'Yun ang problema! Hindi sila pinayagan ng mayor na magwelga sa kanyang teritoryo o marahil 'fully booked' na ang 'venue'! Tsaka para tumigil na rin ang mga welgistang 'yan sa mga walang katapusang mga gimik nila! 'Yun yun.
Clara: Ano namang gimik 'yun Dexter?
Dexter: Gimik. 'Yung tipong pagdating ng mga taong de-kamera kesyo ABS, GMA, IBC o anuman na inimbitahan rin nila, daig pa nila ang mga artista kung magshooting sa pelikula! May aarte na higanteng Cory na may namamagang mukha, higanteng Ramos na nilagyan ng sungay, higanteng Gloria na nilagyan ng mas mahabang sungay, hanggang sa mauwi sa PAGSISIGA!
Clara: Ha? Mula sa bombero, mapupunta sa mga gimik, pagkatapos sa mga gimik magsisiiga. Kaya pala may bombero?
Dexter: Marahil. Ganoon nga siguro titindi ata ang pagsisiga at panggugulo ng mga nagwewelga kaya bubuga ang hose ng bombero para tumigil na sila. Eh kabaligtaran naman nangyayari eh! Lalo pa silang magpo-posing sa mga kamera! Sa oras ng pagbuga ng tubig ng bombero, mag-iinit! Magkakapit-bisig pa sila na parang PEOPLE POWER raw at haharapin ang hagupit ng tubig! Syempre may masasaktan habang nakatutok ang kamera! May hihiga sa sahig at gugulong habang nakatutok ang kamera! May iiyak habang hawak ang kanyang sanggol habang nakatutok ang kamera! Lahat habang nakatutok ang kamera! Tapos human rights violation na raw 'yun! Magbabatohan, magkakasakitan, magmumurahan, lahat posibleng mangyari sa kamera! GULO ANG RESULTA! -- habang nakatutok ang kamera.
Clara: Hala! Nakakatakot pala ang hose ng bombero!
Dexter: Hindi lang nakakatakot. Nakakapangilabot pa! Nang dahil sa mga bombero na 'yan, magkakapatayan na talaga! Maraming mamamatay! Kaya kinabukasan, headline na sila ng lahat ng mga diyaryo. Eto ang headline: BENTENG ----
Clara: ---BENTENG WELGISTA, PATAY!
Dexter: Nge! Hindi ganun ang magiging headline Clara!
Clara: Eh ano?!
Dexter: Headline: BENTENG SUGATANG ---
Clara: ---BENTENG SUGATANG WELGISTA, MALUBHA!
Dexter: Ano ka ba? Ang hirap talagang kausapin ang mga taong inosente sa riyalidad? Mali naman ang lahat ng mga headline mo!
Clara: EH ANO NGA?!
Dexter: Eto. Makinig ka ha? Headline: BENTENG SUGATANG PULIS, INULAN NG MEDALYA!
Clara: (hahalakhak) Ha? Ganun? Hay Dexter, ewan ko sa'yo. Puro ka talaga biro!
Dexter: Walang biro 'dun Clara! Isa nga 'yung riyalidad!
Clara: Riyalidad ha? Eh ano naman kinalaman ng realidad na 'yan sa walang pasok?
Dexter: Ano pa eh 'di magde-declare ang pangulo! STATE OF NATIONAL EMERGENCY! O hayun kanina narinig mo ang bombero 'di ba? Senyales na'yun ng emergency --- na wala tayong pasok, at dahil doon hindi na matutuloy ang eksam natin!
Clara: Ewan ko nga sa'yo. Para bombero lang eh wala nang pasok? Anong klaseng
pag-iisip 'yun Dexter? (hahalakhak ng matagal)
Matrona: (kay Clara) Juan, este ining bayad nga! Isa sa SM Binggohan lang!

(Mapapanis ang pagtawa ni Clara. Titingnan niya ng masama ang matrona pati na rin ang salapi nito. Sisimangot si Clara at sa halip na suyuan ang matanda ay bubulong ito kay Dexter na katabi niya.)

Clara: Ang tamad ng matanda. Kanina pa siya rito, hindi pa pala nakapagbayad.

(Titingin si Dexter sa matrona. Sisimangot ang matrona.)

Dexter: Oo nga ano? Ewan ko nga kung bakit diyan pa siya umupo sa pinakalikod. Eh
kanina lang marami pang bakante sa unahan.
Clara: Sa tagal ko bang nagdyi-dyip alam na alam ko na ang lahat halos ng mga katarantaduhan ng mga pasahero. Gaya ng ginagawa ng matandang ‘yan. STYLE yan Dexter!
Dexter: Style na ano? OLD STYLE?
Clara: Hindi! Ano ka ba? Makinig ka. Kung gusto mo magpakasarap, saan ka pupunta aber?
Dexter: Magpakasarap? Edi mag-BINGO na rin tayo! (tatawa; makikita na seryoso si Clara) Teka (patlang) Ah, edi sa beer house! Tara Clara! (pipiliting hilahin si Clara palabas ng dyip)
Clara: Anong beer haouse? Langka! Dito sa jeep ang ibig kong sabihin!
Dexter: Ah ganun ba? Hmm, (mag-iisip at susulyap sa matrona) Oo nga! Kung gayon, 'yan pala ang style ng matanda?
Clara: STYLE YAN NG LAHAT DEXTER! Uupo ka sa pinakalikod para mabilis kang makababa at hindi ka pa susuyuan ng bayad!
Dexter: Eh paano kung ayaw ko suyuan siya ng bayad?
Clara: Ayaw mo? Mamimilit pa rin ang matandang 'yan! At kung 'di mo papansinin, mapapahiya ka lang sa ibang mga pasahero kaya mapipilitan ka na. At kung mapipilitan ka magsuyo ng bayad, eh 'di BIKTIMA ka na ng katamaran ng matanda!
Dexter: Biktima? Ako?

(Mag-iiba ang ilaw. Magkakaroon ng musika ng kalungkutan. Tatayo si Dexter at lalakad papunta sa harap ng entablado malapit sa manonood. Itututok ang lahat ng ilaw sa kanya. Magkakaroon ng monolog. Titigil sa paggalaw ang ibang mga tauhan.)

Dexter:
Sinasabi ko na nga ba eh! Simula’t simula pa nang umupo ang matandang ‘yan sa pwesto, nararamdaman ko na ang kanyang kaplastikan! Nararamdaman ko na ang kanyang kawalang hiyaan! Isa siyang mapagpanggap na nilalang na nang-aalipin ng mga mahihina, mga inosente, at mga walang kalaban-labang nilalang para sa kanyang pansariling interes! Wala siyang paki-alam kahit alam niyang naghihirap ang kami sa kanyang katamaran habang siya ay nagpapahangin sa kanyang pamaypay at nagpapakasarap na naka-upo sa kanyang inaalagaang makapangyarihan, presko at magandang pwesto!
Napakawalang hiya niya!
Isa siyang plastik!
Manggagamit!
TUTA NG KATAMARAN!
TUTA NG MGA MAPANG-API!
Isang hadlang sa pag-unlad ng ekonomiya!
Hadlang sa pag-unlad ng Pilipinas!

(Magkakaroon ng mahinang tunog ng bombero at magsisilabasan ang mga magwewelga mula sa likod ng entablado sa kalagitnaan ng monolog ni Dexter. Makikita ang galit sa kanilang mga mukha. Dala nila ang mga plakards na may nakasulat na LAYAS! ; BUMABA KA NA SA PWESTO! ; LAYAS SALOT! ; AYAW NAMIN SA MANLOLOKO! ; TAMA NA SOBRA NA! ; AYAW NAMIN NA MAY NAKAUPONG TAMAD SA PWESTO! ; ITIGIL ANG PANG-AAPI! ; PATALSIKIN ANG PLASTIK!; TAAS-SAHOD, BABA-SALOT! ; at TAMAD LAYAS!. Magiging welga ang sitwasyon habang nagmomonolog si Dexter.)

Dexter: (sa mga nagwewelga pati na rin sa mga manonood) MGA KABABAYAN! ISA SIYANG TAMAD! PAPAYAG BA KAYO MAGPAGAMIT SA ISANG NAKAUPONG TAMAD?!
Welgista: HINDI! HINDI KAMI PAPAYAG!
Dexter: ISA SIYANG MANLILINLANG! PAPAYAG BA KAYO NA MALINLANG PARA SA MAKASARILING INTERES NG BABAENG 'YAN NA NAGPAPAKASARAP SA KANYANG MAGANDANG PWESTO?!
Welgista: HINDI! HINDI KAMI PAPAYAG!
Dexter: ISA SIYANG HADLANG SA PAG-UNLAD NG BANSA! PAPAYAG BA KAYO PAALIPIN AT MAGPALOKO SA BABAENG 'YAN NA WALANG GINAWA KUNDI PUMILIT SA ATIN NA MAGTRABAHO BAGKOS SIYA MISMO AY WALANG GINAWA SA KANYANG PWESTO KUNDI MAGPAHANGIN SA KANYANG PAMAYPAY AT NGUMITI SA MADLA?!
Welgista: HINDI! HINDI KAMI PAPAYAG!
Dexter: ISA SIYANG SALOT! PAPAYAG BA KAYONG MAY NAKAUPONG SALOT SA PWESTO?!
Welgista: HINDI! HINDI KAMI PAPAYAG!
Dexter:
KUNG GAYON, MGA KABABAYAN!
MAGSAMA-SAMA TAYO!
MAGKAPIT-BISIG!
IPAGLABAN NATIN ANG ATING MGA KARAPATAN!
IPAGLABAN NATIN ANG ATING MGA KARAPATANG MAG-ALSA SA REHEMENG MATANDA!
TAMA NA ANG PANLOLOKO!
Welgista: TAMA NA ANG PANLOLOKO!
Dexter: TAMA NA ANG PANLILINLANG!
Welgista: TAMA NA ANG PANLILINLANG!
Dexter: PABABAIN NATIN SIYA SA PWESTO!
Welgista: PABABAIN NATIN SIYA SA PWESTO!!
Dexter: PALAYASIN ANG SALOT
Welgista: LAYAS!
Dexter: RE-HE-MENG-TA-MAD-MA-TAN-DA!
Mga Nagwewelga: LU-MA-YAS-KA!
Dexter: AYAW NAMIN NG MGA NAKAUPONG PEKE TAMAD AT MANGGAGAMIT! RE-HE-MENG-TA-MAD-MA-TAN-DA!
Mga Nagwewelga: LU-MA-YAS-KA!
Dexter: AYAW NAMIN NG MGA NAKAUPONG WALANG GINAWA KUNDI MAGPAKASARAP! RE-HE-MENG-TA-MAD-MA-TAN-DA!
Mga Nagwewelga: LU-MA-YAS-KA!
Dexter: BUMABA KA NA! TAMA NA ANG PANLOLOKO! LAYAS SALOT NG PILIPINAS!
Mga Nagwewelga: LA-YAS!-LA-YAS!-LA-YAS!-LA-YAS!

(Babalik sa dating kina-uupuan si Dexter. Magsisi-alisan ang mga nagwewelga at magtatago sa likod ng entablado. Babalik sa dati ang mga ilaw. Matutulala si Dexter na animo'y may malalim na iniisip. Mapapansin siya ni Clara.)

Clara: Huh? Dexter are you in? Heller?
Dexter: Huh? (matatauhan) Ah e… Oo nga Clara no? Ang galing mo talaga! Teka lang ha?

(Lilipat si Dexter ng upuan sa likod ni Clara. Dudukot si Dexter ng pera mula sa kanyang bulsa. Ipapasuyo niya ang pamasahe kay Clara.)

Dexter: (seryoso) Bayad ko nga miss.
Clara: Ano 'yan?
Dexter: Bayad ko nga miss. Pakisuyo lang.
Clara: Bakit sa akin mo 'yan binibigay?
Dexter: Miss, pakisuyo lang naman.
Clara: Pasuyo? Sipain kita diyan sa pasuyo-suyo mo na 'yan!
Dexter: O, 'di ba ang sabi mo ganito gawin ko para magpakasarap sa biyahe ko.
Clara: Langka! Ang sabi ko, dapat sa likod TAYO uupo!
Dexter: Eh nasa likod naman ako.
Clara: Oo nga! Nasa likod ka nakin!
Dexter: Oo nga nasa likod kita. O miss bayad ko nga!
Clara: AHHRGHH! MATAPOS KANG MAGWELGA AT LAHAT LAHAT ETO AT GUMAGAYA KA RIN SA MATANDANG 'YAN! HUWAG MO NAMAN AKONG GAWING BIKTIMA!

(Mag-iiba ang ilaw. Maririnig ang musika ng kalungkutan. Tatayo si Clara at lalakad papunta sa harap ng entablado malapit sa manonood. Itututok ang lahat ng ilaw sa kanya. Magkakaroon ng monolog. Titigil sa paggalaw ang ibang mga tauhan.)

Clara:
Ganyan naman ang lahat ng tao sa Pilipinas eh!
Lahat sila napakaingay!
Puro na lang sila dakdak!
Puro na lang rally rally rally!
At walang katapusan na rally!
Konting mali, konting bali, hayun umaatake na sa kalsada para magrebelde!
Magsisira ng mga pampublikong bagay, magsusunog ng kung anu-anong props, magno-noise barrage, magha-hunger strike, magwo-walk-out, at kung anu-anong klase pang pagrerebelde!
Eh wala namang mangyayari sa lahat ng mga pinaggagawa nila eh!
Nagsasayang lang sila ng kani-kanilang mga laway sa pagpapaalis ng babaeng yan sa pwesto! (ituturo ang matrona)
Eh sino ang papalit sa kanya?
(tatawa) Kahit sino mang Pontio Pilato ang uupo sa maganda at preskong pwesto na ‘yan, manggagamit at manggagamit pa rin siya ng ibang tao!
Mang-aalipin, mambibiktima, manloloko, at magpapasuyo pa rin sa atin ng kanyang pamasahe!
Wala pa ring pinagbago!
‘Yun ng ‘yun pa rin ang mangyayari!
Kaya wala talagang kwenta ang pagrereklamo!
Wala kwenta ang kahit anumang pag-aaklas!
Mabuti pang tumahimik na lang, tanggapin ang kabulastugan at baho ng nasa pwesto at manood ng starstruck dahil kahit palitan man siya ay wala pa ring pinabago ang papalit!

(Magkakaroon ng mahinang tunog ng bombero at magsisilabasang muli ang mga magwewelga mula sa likod ng entablado sa kalagitnaan ng monolog ni Clara. Makikita ang mangiyak-ngiyak na mga mukha ng mga nagwewelga. Dala nila ang mga plakards na may nakasulat na AHAS LAYAS! ; BUMABA KA NA SA PWESTO! ; LAYAS TRAIDOR! , AYAW NAMIN SA MANLOLOKO! ; TAMA NA SOBRA NA! ; AYAW NAMIN NA MAY NAKAUPONG AHAS SA PWESTO! ; IMPOSTOR!; at MANGGAGAMIT, LAYAS!. )

Clara:
HOY! ANO ANG GINAGAWA N’YO DITO?!
MAGWEWELGA?!
(tatawa) PANIS NA ANG EDSA UNO DOS AT TRES! AT KUNG MAY PLANO PA KAYO PARA SA KWATRO, WA EPEK NA ‘YAN SA MGA NAKAUPO SA PWESTO!

Welgista: (magtitinginan)
Clara: TAMA NA ANG PAGSASAYANG NG LAWAY! PINAPAHIRAPAN NIYO LANG ANG INYONG MGA SARILI! UMUWI NA LANG KAYO!

(patlang)

Welgista: (magsisiuwian)

(Babalik sa dating kinauupuan si Clara. Magsisi-alisan ang mga nagwewelga at magtatago sa likod ng entablado. Babalik sa dati ang mga ilaw. Matutulala si Clara na animo'y may malalim na iniisip. Mapapansin siya ni Dexter.)

Dexter: Hello? Andyan ka pa Clara?
Clara: (matatauhan) Ha? Hmp! Ewan ko sa'yo!
Dexter: Ha? Galit ka ba? Sorry na... Sorry na.
Clara: Sorry sorry --- LAGI KA NAMANG GANYAN EH! Puro ka biro – hindi naman nakakatawa!
Dexter: Sorry na nga Clara. Ikaw naman o 'di ka mabiro.
Clara: Hmp!
Dexter: Hoy O.A. ka na ha.. Uy ngingiti na siya... ngingiti na...
Clara: (ngingiti) O siya siya siya. Ikaw kasi eh! 'Wag mo na uulitin 'yun?!
Dexter: Oo na. (patlang) Clara, (susulyap sa matrona) Ano na lang ang gagawin natin ngayon? Ano ang plano?
Clara: Ganito ha. Dapat DALAWA tayong maupo sa likod ng matandang 'yan para isusuyo natin sa kanya ang bayad natin. Hindi 'yung ikaw 'yung pupunta sa likod KO (pipingutin si Dexter) at ako ang gagawin mong tagasuyo!
Dexter: Oo nga ano? Hmm may punto ka d'yan.
(Susulong ng kaunti ang matrona mula sa kanyang kina-uupuan. Kakalabitin niya si Dexter ng kanyang hawak na pamaypay. Medyo aarte ang matrona na parang natitipuhan niya ang binata.)

Matrona: Psst! Pogi! Ano year mo?
Dexter: Ha? Year? Year of the Dog! AW! AW! GRRRR!
Matrona: Huh? Year mo sa eskwelahan mo.
Dexter: Bakit ba? Bibigyan mo ba ako ng scholarship?! Sorry I don’t talk to strangers eh.

(Hahampasin ng bahagya ng matrona si Dexter ng kayang pamaypay. Si Clara naman ay magkukunwaring walang naririnig at titingin na lang sa malayo.)

Matrona: Sus, palabiro ka pala. (hahalakhak) Girlpren mo ba siya?
Dexter: Ha? Paki mo. At hindi ko siya girlfriend! Friend ko siya!
Matrona: Sus. Denay denay ka pa d'yan. Girlpren mo talaga siya. Parang obyus naman kayong dalawa kung magharutan. Naglalambingan pa kayo kanina.
Dexter: Hindi nga eh! Kulit!
Matrona: Ganun ba? Edi mabuti. Pogi, gusto mo sama ka sa'kin sa Binggohan, dun sa SM?
Clara: Yuck!
Dexter: (sa matrona) Will you please stop it!
Matrona: Ooooo. 'Yan ang gusto ko, palaban, matapang, -----gwapong--- huhh sexy...
Dexter: Nge! Gwapo? 'Di no… Slight lang.
Clara: Pssst! Tama na ang pagpapa-flirt! Wag mo ngang patulan 'yang matandang 'yan!
Dexter: Uuuyyy… jelly
Clara: Jelly ka dyan, feeling.
Matrona: O ano na 'yan... selos? (hahalakhak) Hay naku.

(Dudukot ang matrona ng bente sa kanyang pulang bag. Mapapansin ito nila Dexter at Clara. Magtitinginan ang dalawa at magsesenyasan na lumipat sa likod ng matrona.)

Matrona: (kay Dexter) Pogi, pasuyo naman o. Maawa ka naman. Kanina pa ko dito. PASUYO, PASUYO ---
Dexter: --- Pasuyo, pasuyo nga po nay dito kayo at lilipat kami sa likod mo ha?!

(Hahatakin ni Dexter ang braso ng matrona at hihilahin sa gawing looban ng dyip. Mapapalakas ang paghatak ni Dexter. Matitilapon ang matrona sa sahig ng sasakyan. Masasaktan ito. Dali-dali namang uupo si Dexter sa pinakadulo ng dyip. Tatabihan siya ni Clara. Dudukot ang dalawa ng pamasahe. Kukunin ni Clara ang pamasahe ni Dexter at iaabot sa nakahandusay na matanda.)

Clara: PASUYO NGA PO NG BAYAD!

(Mananatiling nakahandusay ang matanda. Iiyak ito. Hindi niya papansinin ang pagsuyo ng bayad ni Clara. Bubulong si Dexter kay Clara.)

Dexter: Ulitin mo Clara.
Clara: Hoy pasuyo naman. Maawa naman kayo. Kanina pa kami dito. Pasuyo,
Pasuyo...
Matrona: (sisigaw ng malakas) AAAAAAAAAAAAAH!

(Mag-iiba ang ilaw. Maririnig ang musika ng kalungkutan. Tatayo ang matrona mula sa sahig ng dyip. Lalakad siya papunta sa harap ng entablado malapit sa manonood. Itututok ang lahat ng ilaw sa kanya. Magkakaroon ng monolog. Titigil sa paggalaw ang ibang mga tauhan.)

Matrona:
Mga walang hiya sila!
Mga walang modo!
Inaapakan nila ang aking pagkatao!

(medyo iiyak)

Oo. Inaamin ko.
Matanda na ako.
MATANDA NA NGA AKO!
Pero hindi n’yo ba alam na ang kaharap n’yo ay naka-upo sa pangunahing pwesto!
Oo. Ako ay isang matandang nakaupo sa pangunahing pwesto kaya nararapat lamang na ako'y MAHALIN, ALAGAAN, AT IRESPETO!
Pero bakit ganito silang lahat?!
Bakit may mga ganitong klaseng mga estudyante?!
Mga walang respeto!
Mga bastos!
Mga walang kakwenta kwentang nilalang ng bansa!
Hindi ba nila alam na ang kailangan ng bansang ito ay ang mga taong masisipag – ang mga walang reklamo reklamo! --- ang mga sumusuporta sa kapayapaan – sa pagtutulungan?! Hindi katulad ng dalawang walang hiyang pasahero na ‘yan! Ni pagtitiis ay hindi nila kayang gawin! Nakakahiya sila! Ang gusto lang nila --- ang gusto lang ata nila ay paboran sila sa lahat lahat ng mga nais nilang mangyari! Ang gusto lang ata nila ay bigyan ko pa sila ng libreng pamasahe para lang maging mabango ako sa kanila at tumigil na sa pagtanggi sa aking panunuyo. Pero --- pero kulang nga! KULANG NGA SA BADYET! Hindi n’yo ba ako naiitindihan, no? Kaya kailangan nating magtiis! Pero bakit sa isang paki-usap ko lamang na magtiis ay hindi nila magawa?! BAKIT? BAKIT!
Lahat ba ng aking pagkatao ay hinuhusgahan ninyo? Kahit mi-ultimong tango, ngiti, tawa, at tambling ay may ibig sabihin na sa inyo upang tanggihan niyo ang aking panunuyo?

(sa mga manonood)

Mga kababayan
Mga tao sa mundo
Mga nakakatanda
MGA MATATANDA!
MGA IBA PANG NAKAUPO SA KAHIT SAANG PWESTO!
PALIMOS NAMAN NG RESPETO!
TANGGAPIN N’YO NAMAN ANG AKING PAGKATAO!
TANGGAPIN N’YO NAMAN ANG AKING PANUNUYO!

PA-MA-SA-HE-KONG-PAM-BA-YAD! I-SU-YO!
PA-MA-SA-HE-KONG -PAM-BA-YAD! I-SU-YO!
IRESPETO NATIN ANG MGA NAKAKATANDA!
IRESPETO NATIN ANG MGA NAKAUPO SA PWESTO!
PA-MA-SA-HE-KONG-PAM-BA-YAD! I-SU-YO!
PA-MA-SA-HE-KONG-PAM-BA-YAD! I-SU-YO!

(Lilingon siya sa paligid. Mapapansin na wala ang mga nagwewelga. Magtataka ito.)

Teka teka teka. Nasaan na ba ang mga nagwewelga?
Hmm, wala sila ha? Tingnan natin.
(sisigaw) ETO! DITO MAY MEDIA! MAY KAMERA!

(Magkakaroon ng mahinang tunog ng bombero at magsisilabasan ang mga magwewelga mula sa likod ng entablado. Magbubulungan sila ng 'kamera' ng paulit-ulit at lalapit sa posisyon ng matrona. Ngayon nama’y may mga dala silang mga dos por dos na kahoy. Matutuwa ang matrona sa pagdating ng mga nagwewelga.)

Matrona: MGA KABABAYAN! SALAMAT NAMAN AT NAGSIDALO KAYO UPANG
AKO’Y IRESPETO ----

(Lalakad sa harap ang babaeng naka-toga na kasama ng mga welgista habang nagsasalita ang matrona. May hawak siyang banner na: ‘SALOT LAYAS!’)

Isang babae na naka-toga: PATALSIKIN ANG MATRONA! BUMABA KA NA SA PWESTO!

(Titigil ang matrona sa pagsasalita. Magsisigawan ang iba pang mga welgista.)

Mga Nagwewelga: BUMABA KA NA! LUMAYAS KA NA SA PWESTO! ISA KANG PEKE! LU-MA-YAS-KA! LAYAS! LAYAS! LAYAS! LAYAS!

(Magsesenyas ang matrona. Lalabas ang mga pulis na may mga kalasag. Ilalayo nila ang mga welgista sa matrona. Magkakapokpokan. Magkakasakitan hanggang mawala na silang lahat sa entablado. Pinipilit pa ring maging kalmado ang matrona.)

Matrona: Teka. Nasaan na ba ako? Ah, oo. Sana naman ay maniwala kayo sa akin at patuloy sa pagsuporta sa aking panunuyo. (patlang) Hindi niyo lang talaga alam na napakahirap (patlang) na napakahirap na umupo sa pwesto. (iiyak) Talagang napakahirap. Ano nga ba ang tamang paraan ng panunuyo sa inyo? Kapag ngumiti ako sasabihin niyo akong plastik. Kapag ililibre ko naman kayo ng pamasahe sasabihin niyo naman akong nanunuhol. ANO BA TALAGA ANG TAMA PARA SA INYO! AT ANO BA ANG GUSTO NIYONG TAO SA PWESTO, DIYOS? HINDI. HINDI AKO DIYOS! HINDI AKO PERPEKTO! NAKAKALIMUTAN NIYO ATA NA TAO RIN AKO! ISANG TAO NA NAGKAKAMALI! GUMAGAWA RIN NG MGA KABULASTUGAN! GUMAGAWA RIN KATARANTADUHAN! SUBALIT HINDI NAMAN ITO LUMALABIS DAHIL PINIPILIT KO PA RIN ANG SARILI KO NA MAGING ISANG PERPEKTO TAO KAHIT IMPOSIBLE ALANG-ALANG LANG SA INYO! ALANG-ALANG SA INYO! (patlang) KAYA (patlang) KAYA ANG TANGING HILING KO LANG AY ANG INYONG RESPETO! ANG INYONG RESPETO! RESPETUHIN NIYO NAMAN AKO BILANG ISANG TAO! BILANG ISANG TAO!

(Iiyak ang matrona, mag-iiba ang ilaw at babalik siya sa dating pagkahandusay sa dyip. Magsisi-alisan ang mga nagwewelga at magtatago sa likod ng entablado. Babalik sa dati ang mga ilaw. Medyo maririnig ang hikbi ng matanda. Susuyuan pa rin siya ng bayad ni Clara. Si Dexter naman ngayon ang sisigaw.)

Dexter: HOY! NARINIG MO BA?! PASUYO!
Clara: Teka lang ha?

(Bubulong si Clara kay Dexter. Magsisitawa silang dalawa.)

Dexter: Ay, oo nga!
Dexter at Clara: 1-2-3, BINGO!
Matrona: (titili) AAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAH!

(Magugulat ang matanda sabay tayo. Mauuntog siya sa bubong ng sasakyan. Masasaktan ito at uupo sa gawing gitna ng dyip. Mananatiling nasa sahig ang kanyang pulang bag.)

Matrona: MGA WALANG HIYA KAYO! Hindi man lang kayo marunong rumispeto! O akin na 'yang letseng mga pamasahe nyo! (kukunin ang pamasahe ng dalawa; galit na galit pa rin siya; ibibigay niya ito sa drayber) O bayad nila o! (pupulutin ang pulang bag mula sa sahig, kukuha ng bente mula sa bag at ibibigay rin niya sa drayber) At eto na rin ang bente ko!
(kay Clara at Dexter) WALA MAN LANG KAYONG KASIPAGAN! PUROS LANG KATAMARAN! GANITO NA NGA TALAGA ANG PILIPINAS! LAHAT NG TAO PATI MGA ESTUDYANTENG KAGAYA N'YO, ANG TATAMAD!
Drayber: Sino nagbigay ng barya? Kulang pa ito ah!
Clara: Ay kulang pa pala. (dudukot ng tatlong piso mula sa bulsa at isusuyo sa matrona) Pasuyo nga ho...
Matrona: (titili) AAAAAAAAAAH! ITO SIGURO ANG DAHILAN KUNG BAKIT HINDI UMAASENSO ANG PILIPINAS! MGA TAMAD TALAGA ANG MGA TAO! O akin na 'yan! (kukunin ang barya at ibibigay niya sa drayber) O eto na ulit ang pamasahe ng mga tamad mong pasahero!
Clara: Hoy! Ikaw siguro ang tamad.
Matrona: AT AKO PA ANG SINASABIHAN MO!
Dexter: Eh ikaw nga ang nagpapasuyo sa amin kanina.
Matrona: Alam niyo? Hindi talaga kayo tinuturuan ng titser niyo ano?
Dexter: Kung paano magpasuyo ng pamasahe?
Matrona: (titili) AAAAAAAAAH!
Clara: Na kung paano magpasuyo ng bayad.
Matrona: (sisigaw) DAPAT TINUTURUAN KAYO KUNG PAANO TUMULONG SA
KAPWA MANILEÑO!
Clara: Eh hindi naman kami taga-Maynila, taga-PASIG kami.
Matrona: Edi kahit sa kapwa PILIPINO man lang!
Dexter: Bakit kanina, ikaw, hindi mo naman kami tinulungan? Pilipino naman kami ‘di ba?
Matrona: Napapagoood na ako magbiyahe. Matanda na ako. Halos hindi na nga ako
makagalaw ---
Clara: - ---hindi ka na makagalaw sa pag-Binggo!
Matrona: Ha? Ah basta mas matanda ako sa inyo!
Clara at Dexter: Mas bata kami sa inyo!
Matrona: Mga walang modo! Mga bastos! Kayo nga ang dapat sumunod sa akin! Mas matanda ako sa inyo!
Clara: Kasalanan n'yo 'yan. Inunahan niyo kami kaya 'yan ang napala n'yo!
Matrona: At ako pa ngayon ang may kasalanan?
Clara: (Bubulong kay Dexter) Parang tayo naman ang may kasalanan Dexter.
Dexter: Ha? Wala tayong ginagawang masama Clara. Gusto ko lang man maging FAIR! MAGING FAIR!
Drayber: (tatawa) Per! Per! Per! Kulang naman ang PER niyo na mga toto kanina!
Dexter: Kulang? ESTUDYANTE 'YUN MAMA' AH!
Drayber: Putang ina! Eto na naman tayo o. Estudyante? (tatawa) Hindi naman kayo naka- uniform! At saan naman kaya kayo nag-aaral sa SM SETE?
Clara: Aba! Sa itsura ba naming ito, mukha ba kaming palaboy-laboy lang at hindi estudyante?
Drayber: (tatawa) Ikaw ang nagsabi niyan inday! Tsaka LINGGO ngayon kaya walang estudyante! Dose lang binigay niyo kaya kulang pa kayong dalawa ng tres pisos!
Clara: Ano? Nakita mo na nga kaming sumakay mula sa eskwelahan sabihin mong walang estudyante kung Linggo? Teka, ano ba plate number mo at isusumbong kita sa LTO! Asan ba dito ang plate number n'yo at irereport kita?

(Hahanapin ni Clara ang plate number mula sa kanyang kina-uupuan. Tatahimik ang drayber at natatakot sa maaaring mangyari.)

Dexter: (bubulong) Clara, sarado ang LTO kung Linggo...
Clara: (sa drayber) Edi bukas! Isusumbong kita! O ano?
Drayber: Tang inang buhay 'to o! Oo na! Mga puchang estudyante na kayo! Parang tres lang gusto niyo na ata pumatay ng tao!
Clara: Aba! Dahan-dahan kayo sa pananalita mama! Kahit tres lang 'yan, makakabili pa 'yan ng anim na papel! (mapapaisip) A, tatlong papel pala. Ganyan naman lagi kayong mga drayber eh! Ang akala n'yo lahat ng tao hindi magrereklamo! Alam na alam ko na ang laging style ninyong mga drayber! Pare-pareho lang kayo! Kinakalimutan niyo ang mga sukli ng iyong mga pasahero! At minsan din, kinakalimutan niyo na estudyante ang pasahero n'yo! O 'di kaya sinasadya niyo talaga na hindi kami suklian!
Drayber: Sobra ka naman magsalita miss. Hindi naman ako ganyan. Sinusuklian ko naman ng tama ang mga pasahero ko!

(May maaalaala ang matrona sa mga salita ni Clara at matatandaan na may sukli pa pala siya sa benteng binigay niya sa drayber.)

Matrona: Ay! Oo nga pala! Mabuti na lang at naalala ko! HOY, ANG SUKLI KO?!
Drayber: Anong sukli?
Matrona: Naku, huwag mo akong ganyanin ha? Sukli ko sa bente?!
Drayber: Bente? (titingnan ang kaha) Binigay ko na sa'yo kanina a!
Matrona: Huwag na huwag mo akong lokohin dahil hindi mo ako maloloko!
Clara: 'Yan na nga ang sinasabi ko e. Hayun, sa sobrang katamaran, nakakalimutan na ang sukli.
Matrona: Tumigil ka nga babae at hindi naman ikaw ang kinakausap ko! Ngayon mamang drayber, ibibigay mo ba ang sukli ko o magsusumbong din ako sa LTO?
Drayber: O siya! O eto na sukli mo! (ibibigay ang sukli) Nakalimutan lang naman eh, ang dami mo pang dakdak!
Matrona: (kukunin ang sukli) Hayan at natauhan ka rin! (bibilangin ang sukli) Teka. Kulang 'to ah! Señor Citizen Discount ako tanga!
Drayber: O ETO NA! (ibibigay ang sukli) Putang inang buhay 'to o...
Matrona: Hoy! Pasalamat ka at hindi kita pina-pulis sa mga panloloko mo sa amin! Akala mo maloloko mo kami?! Pwes nagkakamali ka! Dahil hindi mo kami maloloko! GAGO!

(Mag-iiba ang ilaw. Magkakaroon ng musika ng kalungkutan. Tatayo ang drayber, bababa ng dyip at lalakad papunta sa harap ng entablado malapit sa manonood. Itututok ang lahat ng ilaw sa kanya. Magkakaroon ng monolog. Titigil sa paggalaw ang ibang mga tauhan.)
Drayber:
Tingnan niyo na lang ang mga tao sa Pilipinas
Puro reklamo!
Reklamo!
REKLAMO!
Akala siguro nila,
Akala siguro nila napakadali lang ng aking trabaho.
Hindi.
Hindi!
HINDI!

(Magkakaroon ng mahinang tunog ng bombero at magsisilabasan ang mga magwewelga mula sa likod ng entablado sa kalagitnaan ng monolog ng drayber. Makikita ang galit sa kanilang mga mukha kasama ng mga plakards na dala-dala nila. Magiging welga ang sitwasyon habang nagmomonolog ang drayber.)

Drayber:
Tingnan niyo nga at hindi na ako halos makautot sa pagpreno at pagtingin sa kalsada habang sinusuyo ninyo ang inyong mga kakapiranggot na mga pamasahe tapos (patlang) tapos MAGREREKLAMO PA KAYO!
Puro na lang kayo reklamo!
Kung alam niyo lang kung gaano kahirap maging isang drayber.
Kung alam niyo lang kung gaano kahirap magsukli ng isang daan, limang daan, o isang libo.
Kung alam niyo lang na libu-libo ang lagi kung binabayad sa LTO.
Kung alam niyo lang na perwisyo sa aming mga drayber ang PUTANG INANG LRT na 'yan kaya tuloy halos walang sumasakay sa amin!
Kaming mga drayber ng dyip ang kawawa!
KAMI!
LUGI NA NGA ----

(Pipito ang isang traffic enforcer at titiketan ang drayber.)

Lalakeng Traffic Enforcer: LISENSIYA! (ituturo ang no loading no unloading sign)
Drayber: Tsip! Linggo ngayon! Ano ba Tsip!
Lalakeng Traffic Enforcer: Eh ano kung Linggo? (patlang) Meron ba tayo d'yan? (patlang) Kahit si Ninoy pwede na.

(Magsesenyasan ang dalawa. Bubuklat ng pitaka ang drayber at ibibigay ang 500 sa traffic enforcer. Tatapikin ng traffic enforcer ang drayber sa balikat at aalis na ito.)

Drayber:
Hayun, NA-HULIDAP NA NAMAN AKO!
Limangdaan din 'yun, pang-tip sa mga buwaya ng kalsada.
Kaysa lisensiya ba naman ang ibigay ko – isang libo ang tubos nun! DOBLE! MAY SEMINAR PA NG ISANG ARAW!
O ano na ngayon? Wala na akong pang-boundary sa may-ari ng dyip ko!
Paano ko kikitain lahat 'yun? Ha?!
PAANO?!
Kaya pasada na naman ulit!
Pasada ng pasada! Walang tigil na sisimot ng mga pasahero sa kalsada!
Ito kasi ang buhay ko eh.
Ito ang natatanging bumubuhay sa aming lahat!
Naaalaala ko noon, may isang politikong baliw na nagpumilit na maipanukala ng pagbabawal o PAG-BAN ng mga dyip sa kalsada. BALIW NGA TALAGA SIYA! NAPAKABALIW NILANG LAHAT! Hindi ba nila alam na dito nabubuhay ang walo kong anak at ang mga anak ng libu-libo pang jeepney drayber sa Pilipinas? (tatawa) Bakit ganoon sila? Mga wala silang awa. Hindi lang talaga nila alam na dito kami nabubuhay?! DITO! DITO SA MAGULO, MADILIM, MABAHO, AT TRAPIK NA KALSADA NG TAFT AVENUE!
O marahil, akala n'yo, basta lang kami namumulot ng pera sa kalye kaya hindi n'yo batid ang hirap na dinaranas ng isang jeepney driver!
Kaya, masakit (patlang)
Napakasakit talaga para sa akin na sa likod ng lahat,
Sa likod ng lahat ng mga putang inang hirap na 'to marami pa ring reklamo sa aking serbisyo ng mga WALANG HIYANG MGA PASAHERO! (ituturo ang mga pasahero)
Hindi lang kayo ang napiperwisyo…
Ako rin napiperwisyo!
Tama na nga ang reklamo niyo sa akin sa pamasahe,
Wala akong kasalanan!
Wala! WALA!
Ang LRT at gasolina ang may kasalanan!
ANG LRT AT GASOLINA ANG MAY KASALANAN!
(patlang)
Bumusina kontra gasolina at LRT!
BUMUSINA KONTRA GASOLINA AT LRT!

PRES-YO-NG-GA-SO-LI-NA

Mga Nagwewelga: I-BAG-SAK!
Drayber: PU-TANG-I-NANG-PA-MU-NU-AN-NG-L-R-T!
Mga Nagwewelga: I-BAG-SAK!

(Papagitna ang isang welgista.)

Welgista 1: SUPORTAHAN NATIN ANG MGA DRAYBER! ITAAS ANG SAHOD! PALAYASIN ANG SALOT!
(Magsisilabasan ng kanya-kanyang lata ang mga welgista upang humingi ng donasyon sa drayber. Papatunugin nila ang mga dala nilang lata sa drayber.)

Welgista 2: Mama, donasyon lang ho sa mga nagwewelga.
Drayber: HE! AYOKO NA NG INYONG MGA LATA! WALA AKONG PERA!
WALA PA AKONG KITA!

(Babalik sa dating kinauupuan ang drayber. Magsisi-alisan ang mga nagwewelga at magtatago muli sa likod ng entablado. Babalik sa dati ang mga ilaw.)

Matrona: (sa drayber) O ano na? Bakit ka natutulala diyan? Aalis ba tayo o hindi?!
Drayber: Eh hindi pa nga puno, aalis na tayo?!
Matrona: Ha! Kanina pa tayo dito ah! Mag-iisang oras na!
Drayber: Eh kasi, eh kasi...
Matrona: Isusumbong kita sa LTO!

(Tatakbong bigla ang sasakyan. Mapaabante ang mga katawan ng mga pasahero. Tatama ang mukha ng matrona sa harapang upuan.)

Matrona: Ano ba! (sa drayber) Nananadya ka ata ah?! Dahan-dahan lang! Papatayin mo ata ako sa nerbyus!

(Papara ang pasahero 2 mula sa labas sasakyan. Magpepreno ang drayber. Medyo aabante ng kaunti paharap ang katawan ng mga pasahero. Sasabit ang pasahero 2 sa dulo ng dyip at dudukot ng barya sa kanyang bulsa. Iaabot ito sa harapan nila Clara, Dexter, at ng matrona. Tatakbong muli ang dyip.)

Pasahero 2: Bayad ho, pasuyo lang!

(Magtitinginan ang tatlo at matitigilan sa nangyayari ng ilang segundo. Kukunin ni Clara ang pamasahe ng mama. Iaabot niya sa matrona.)

Clara: O, eto pasuyo nga po...

(Hindi papansinin ng matrona si Clara. Sisimangot ang matrona.)

Clara at Dexter: (magtitinginan) NAY ANG SABI MO KANINA TULUNGAN NATIN ANG KAPWA PILIPINO ‘DI BA?
Matrona: O! Siya! Siya! Siya! Tulungan na kung tulungan at para matapos na 'to. (kukunin ang pamasahe at iaabot sa drayber) O mama' bayad ng nakasabit o...
Clara: Ayan! 'YAN ANG PINOY!
Dexter: 'YAN ANG TUNAY NA PILIPINO DUMARAMAY SA KAPWA!
Matrona: (haharap sa mga manonood at ngingiti) Hay naku. Ang sarap palang makatulong sa kapwa mo Pilipino! (hihinga ng malalim)
Pasahero 2: PARA!

(Biglang magpi-preno ang drayber. Medyo aabante ng kaunti paharap ang katawan ng mga pasahero. Bababa ang pasahero 2. Pupunta siya sa likod ng dyip at susulyap sa bag ng matrona. Pagtatangkaan niya itong kunin.)

Matrona: (haharap sa mga manonood) KAY GANDA TALAGA NG PILIPINAS, NAPAKA --- (hahablotin ang pulang bag ng matrona mula sa labas ng dyip ng pasahero 2)
Pasahero 2: (hahablotin ang bag) MISS AKIN NA ANG BAG MO!
Matrona: AAAAAAH! (hihilahin ang bag) ANG BAG KO! AKIN NA ANG BAG KO! TULONG! TULONG! MAGNANAKAW!

(Maghihilahan ng bag ng ilang sandali. Iiwas sina Clara, Chester at ang drayber sa pagtulong sa matanda. Mabibitawan ng matrona ang kanyang bag. Mabilis na tatakbo ang Pasahero 2 dala-dala ang bag ng matrona at ipapasa niya sa isang taong naghihintay sa harap ng entablado sabay takbo nito. Pagkatapos maipasa ng Pasahero 2 ang bag ay pasimpleng lalakad ito na parang walang nangyari palabas ng entablado.)

Matrona: Ang bag ko! (titili) AAAAAAH!

(Kadiliman. Magkakaroon ng isang masayang musika.)

0 comments:

Post a Comment

iServe

Followers